
1.
Tila yata ang Pampanga ay nagiging paborito
na gawing pugad ng mga matitinding sindikato
kailan lamang sa San Simon ay may mga kontrabando
ang natuklasan sa isang bodegang abandonado
sinasabing ang bodega ay ang pagawaan mismo
ng mga hinihinalang mga pekeng sigarilyo
2.
At ayon sa impormasyon na personall kong nakalap
sa Global Aseana park 1 kontrabando’y nakalagak
dito ay nakapaloob ang maraming pasilidad
na ang nakakasakop ay ang barangay ng dela Paz
ang kanilang operasyon ay mayrong pagkakatulad
sa dalawa pang bodega na nauna ng nalansag
3.
Diumano, maaaring mayrong mga kongresista
na sinasabing sangkot din sa nasabing anomalya
kung ito man ay totoo at may mga ebidensiya
dapat lang na makasuhan sa kulungan ay magdusa
sila’y salot ng lipunan na walang pinagkaiba
sa pusakal na kriminal na halang ang kaluluwa
4.
Kahit sabihin pa natin na mayrong pangil ang batas
ay marami pa rin naman ang dito ay lumalabag
bunga nito’y lumalawak antas ng kriminalidad
at ng mga sari-saring illegal na aktibidad
lalo na kung protektado ng tiwaling mambabatas
at ng mangilan-ngilan sa opisyal na matataas
5.
Kaya ba naging pugad ng sindikato ang Pampanga?
ng pekeng sigarilyo na milyun-milyon ang halaga?
dalawang mambabatas lang kaya ang sangkot talaga?
o may ibang pulitiko silang mga kasama pa?
walang maglalakas loob magsipasok ng probinsiya
kung sila’y di protektado ng taong maimpluwensiya
6.
DILG secretary puspusan ang pagsisikap
upang ang lahat ng sangkot ay mapanagot sa batas
mayrong persons of interest na sinasabing kasabwat
na mayrong kaugnayan sa illegal na aktibidad
sila ‘y magsasagawa rin ng mga intelligence build up
upang matukoy ang NETWORK at tuluyan ng malansag
7.
Nakalulungkot isipin na ang bayan ng San Simon
hindi lang sa pulitika naging kontrobersiyal noon
ang malawak at maunlad nito na INDUSTRIAL ZONE
biglang-bigla’y napasukan na ng sindikato ngayon
ano kaya ang gagawin ng butihing acting mayor
upang ibangon ang dangal ng bayan at REPUTASYON
The post Natuklasang kontrabando, protektor nga ba’y politiko? appeared first on Punto! Central Luzon.