Posibleng maharap sa mabibigat na parusa ang mga sangkot sa pagbebenta, pamamahagi, at paggawa ng mga counterfeit, altered, at expired na gamot.
Ito ang babala ng Pampanga Police Provincial Office (PPO) laban sa ilegal na sirkulasyon ng mga naturang gamot sa merkado.
Ayon sa pulisya, delikado ang mga ito sa kalusugan dahil sa hindi epektibong paggamot at masasamang side effects. Pwede ring malagay sa panganib ang buhay ng mga gagamit nito.
Kaugnay nito, pinaigting ng mga otoridad ang operasyon laban sa ilegal na paggawa at distribusyon ng pekeng gamot sa pakikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno.
Sa ilalim ng Republic Act 9711 o ang Food and Drug Administration Act at Republic Act 8203 o ang Special Law on Counterfeit Drugs, maaaring patawan ng parusa ang mapapatunayang lalabag. Kabilang dito ang limang taon hanggang habambuhay na pagkakakulong, multang aabot sa ₱100,000 hanggang ₱10 milyon, at posibleng pagbawi ng lisensya at pagsasara ng establisyimento.

Paalala ng mga otoridad, maging maingat sa pagbili ng gamot, lalo na sa unauthorized sellers, online platforms, at mga establisyimentong walang lisensya.
Hinihikayat ang lahat na bumili lamang sa licensed pharmacies, tiyakin ang expiration date at packaging ng gamot, at agad i-report ang mga kahina-hinalang bentahan sa mga otoridad. #
The post Paggawa at bentahan ng peke, expired na gamot, ipinagbabawal; mga lalabag, paparusahan first appeared on CLTV36.