
LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) – Mas magiging mabilis, maginhawa, at episyente na ang pagtanggap ng tulong pinansiyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng paggamit ng mga e-wallet sa pamamahagi ng ayuda.
Sa ginanap na Kapihan sa Gitnang Luzon na pinangunahan ng DSWD at Philippine Information Agency (PIA), sinabi ni DSWD Field Office III Regional Director Venus Rebuldela na bahagi ito ng digital transformation ng ahensya upang mapabilis ang paghahatid ng mga serbisyong panlipunan sa publiko.
Ayon kay Rebuldela, sa halip na pumila nang matagal sa mga payout site, maaaring matanggap ng mga kwalipikadong benepisyaryo ang kanilang ayuda sa pamamagitan ng kanilang cellphone gamit ang e-wallet.
Ang inisyatibang ito ay kaakibat ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang paggamit ng information and communication technology (ICT) upang gawing mas mabilis, episyente, at accessible ang mga serbisyo ng pamahalaan.
Malaking kaginhawahan aniya ito lalo na sa mga programang may libu-libong benepisyaryo tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), kung saan madalas na nagkakaroon ng mahabang pila sa mga payout centers.

Binanggit din ni Rebuldela na noong ipatupad ang Cash Relief Assistance (CRA) para sa mga tsuper ng pampublikong transportasyon sa kasagsagan ng pagtaas ng presyo ng langis, mahigit 250,000 benepisyaryo sa Gitnang Luzon ang napagkalooban ng ayuda na umabot sa kabuuang P1.2 bilyon.
Sa ilalim ng bagong sistema, kinakailangang magkaroon ng sariling e-wallet account ang benepisyaryo. Tiniyak naman ng DSWD na mahigpit na poprotektahan ang kanilang personal na impormasyon alinsunod sa Republic Act 10173 o ang Data Privacy Act of 2012.
Ani Rebuldela, sisimulan ang pilot implementation ng digital payout sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga bago ito palawakin sa iba pang lugar sa rehiyon.
Kasabay nito, inilunsad din ng DSWD ang Kaagapay Donations Portal, isang online platform na magpapadali sa pagtanggap ng cash at in-kind donations mula sa mga indibidwal at organisasyon.
Sa pamamagitan ng portal, maaaring magsagawa ng ligtas na online donations, makipag-ugnayan para sa logistics ng mga in-kind donations, at makakuha ng impormasyon hinggil sa mga lugar na nangangailangan ng agarang tulong sa panahon ng kalamidad.
Ayon sa DSWD, ang mga digital na inobasyong ito ay inaasahang magpapalawak ng access ng publiko sa mga serbisyong panlipunan habang pinatitibay ang transparency, accountability, at episyenteng paghahatid ng ayuda sa ilalim ng Bagong Pilipinas. (MJSC/SFV, PIA Region 3-Pampanga)