
Opisyal nang sinimulan ng lokal na pamahalaan ng Guagua ang mga hakbang para i-convert ang bayan patungo sa pagiging isang component city.
Sa bisa ng Executive Order No. 2025-037 na nilagdaan ni Mayor Anthony Torres noong August 19, 2025, binuo ang isang Technical Working Group (TWG) na tututok sa proseso ng cityhood conversion.
Si Mayor Torres ang magsisilbing chairperson ng grupo habang si Vice Mayor Benjamin Lim naman ang co-chairperson. Uupo rin bilang vice chairperson si Elsa Pantino ng Municipal Planning and Development Officer ng Guagua. Kasama rin sa TWG ang mga department heads at ilang opisyal ng bayan.
Bukod dito, kabilang sa mga advisory members si dating Pangulo at kasalukuyang Pampanga 2nd District Representative Gloria Macapagal-Arroyo, na inaasahang magbibigay ng suporta at gabay sa proseso.
Ayon sa executive order, kabilang sa mga pangunahing tungkulin ng TWG ang pagtitiyak na kwalipikado ang Guagua na maging lungsod, paghahanda ng legislative measures at technical documentation, pagsasagawa ng public consultations, koordinasyon sa Comelec para sa plebisito, at transition planning.
Batay sa Local Government Code of the Philippines, dapat ay may annual income na hindi bababa sa ₱500 million o average na ₱100 million sa loob ng dalawang magkasunod na taon, populasyon na hindi bababa sa 150,000, at lawak ng lupang aabot sa 100 square kilometers upang maging kwalipikado ang isang bayan bilang component city.
Sa datos ng LGU, lumampas na ang Guagua sa income requirement matapos makapagtala ng ₱571,379,476 budget sa 2nd quarter ng 2025, at ₱493 million naman noong 2024. Mayroon itong lawak na 12,579 square kilometers, ngunit nakapagtala lamang ng 137,948 populasyon batay sa 2024 census. Inaasahan ng LGU na maaabot ang hinihinging population requirement pagsapit ng 2030.
Matatandaang taong 1996 nang italagang first class municipality ang Guagua, kasabay ng Lubao, San Fernando, at Mabalacat—na ngayon ay pawang mga component city na. #
The post Pagiging component city ng Guagua, isinusulong ng LGU first appeared on CLTV36.