Nakipagpulong ang Clark Development Corporation (CDC) at Commission on Higher Education (CHED) sa ilang innovation experts sa South Australia upang talakayin ang mga kongkretong hakbang para sa pagpapalakas ng edukasyon at inobasyon sa Pilipinas.
Unang bumisita si CDC President and CEO Atty. Agnes VST Devanadera at kinatawan ng CHED sa Lot Fourteen na isang kilalang innovation district sa Adelaide.

Natalakay rito ang mga estratehiya ng Australia sa pagpapaunlad ng teknolohiya at negosyo na maaari namang maiangkop sa Pilipinas. Kasama rito ang “Innovation Places Strategy” at ang papel ng mga research centers tulad ng Australian Institute for Machine Learning sa pagpapalago ng Artificial Intelligence (AI) at digital economy.

Isa sa mga layunin ng ng kanilang pagbisita ay ang pagbuo ng modelo para sa Clark Freeport Zone bilang innovation hub sa Pilipinas.
Nais ng CDC na gamitin ang modelo ng Australia kung saan malapit ang ugnayan ng gobyerno, akademya, at pribadong sektor para paglikha ng trabaho at negosyo.

Bukod dito, nagkaroon din sila ng pagpupulong sa mga opisyal ng University of Adelaide, kung saan tinalakay naman ang kongkretong ugnayan sa larangan ng edukasyon, gaya ng transnational education programs, faculty and student exchanges, at joint research projects. Layon nitong itugma ang kurikulum ng Pilipinas sa mga totoong pangangailangan ng industriya. #
The post Pagpapaunlad ng edukasyon at ekonomiya, layon ng pagbisita ng CDC at CHED sa Australia first appeared on CLTV36.