LUNGSOD NG BALIWAG (PIA) — Natuloy na makalipas mabalam ng maraming taon ang rehabilitasyon ng Daang Maharlika sa bahagi ng lungsod ng Baliwag sa Bulacan patungo sa direksiyon ng hangganan nito sa bayan ng San Rafael.
Sa pagbisita ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vivencio Dizon sa mismong lugar kung saan hinuhukay ang magiging bagong kanal pagbaba ng flyover ng Baliwag, iniulat niya na maisasakatuparan na ito matapos ireporma ng ahensiya ang mga pondo nito na nakapaloob sa mga pambansang badyet ng 2025 at 2026.

Ipinaliwanag ng kalihim na sa mga nakalipas, nailaan ang pondo hindi sa Daang Maharlika kundi sa bahagi ng Manila North Road o Mac Arthur Highway na pawang mga buo at walang sira.
Hindi aniya makatwiran na sirain ang mga matitinong kalsada para lamang magastos ang pondo habang hindi pinopondohan ang mga sira-sirang daan.
Bagama’t tumagal ang proseso sa pagrereporma at realignment o paglilipat sa pondo na dapat pag-ukulan, sinisimulan na ngayon ang rehabilitasyon sa nasa isang kilometrong pinakasirang bahagi ng Daang Maharlika sa Bulacan.
Tinutustusan ito ng halagang P458 milyon kung saan ang P100 milyon ay mula sa nirepormang Pambansang Badyet ng 2025 at P358 milyon mula sa Pambansang Badyet ng 2026.
Dahil pirming nalulubog sa baha o nagsisilbing saluhan ng mga tubig ulan ang bahaging ito ng Daang Maharlika, mula sa pagbaba ng flyover ng Baliwag patungo sa hangganan nito sa San Rafael, itataas ito sa 0.7 meters at binabaunan ngayon ng mga malalaking kanal sa magkabilang panig ng apat na linyang kalsada.
Lalatagan ng malalaking bakal ang pagbubuhusan ng kongretong semento na magiging mas mataas na Daang Maharlika.
Ayon kay Baliwag City Vice Mayor Ferdinand Estrella, malaki aniya ang ikagiginhawa ng mga motoristang matagal na nagtitiis dumaan sa malalalim at matatalim na lubak ng bahaging itong Daang Maharlika sa nakalipas ng maraming taon.
Kasing tagal din nito aniyang nakikiusap ang Pamahalaang Lungsod ng Baliwag sa DPWH ngunit ngayon lamang natugunan sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Malaki ang ginagampanang papel ng Daang Maharlika sa kabuhayan ng mga Bulakenyo at ng mga taga Hilagang Luzon.
Bukod sa pagiging isang malaking farm-to-market road na daanan ng mga aning palay at mga gulay mula sa mga bayan ng San Rafael, San Ildefonso, at San Miguel sa Bulacan at maging sa lalawigan ng Nueva Ecija, ito rin ang pinakamurang ruta ng mga bumibiyahe patungong Nueva Vizcaya, Ifugao, Isabela, at Cagayan na alternatibo sa mga may bayad na mga expressway.
Kaugnay nito, nag-abiso na si Dizon sa publiko at mga motorista na kung napagpasensiyahan ang mas maraming nakalipas na mga taon na sira ang kalsada, 11 buwan na lamang ang hihintayin para matapos ang nasabing proyekto.
Samantala, patitignan na rin ng kalihim ang iba pang mga dapat ayusin sa Daang Maharlika tulad ng Tarcan Bridge sa Baliwag na may malaking butas at ang lubak-lubak na bahagi ng highway na ito sa bayan ng San Miguel.
Nauna nang natapos ang rehabilitasyon ng Daang Maharlika mula sa panulukan nito sa Baliwag-Pulilan Diversion Road hanggang sa ginawang retrofitting ng Baliwag Flyover. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)