By John Ken Domingo, CLTV36 News intern
Nasa mahigit 30-milyong turista ang inaasahang daragsa sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ngayong Semana Santa, ayon sa Department of Tourism (DOT).
Maraming Pilipino raw kasi, pati na foreign tourists, ang papunta sa mga kilalang pasyalan sa bansa para magbakasyon at magnilay.
Ayon kay DOT Secretary Christina Frasco, handa na ang kanilang regional offices para tumulong sa pag-monitor sa mga lugar na maraming turista. Kaugnay raw ito ng pagnanais nila na masigurong maayos ang daloy ng biyahe at ligtas ang mga lugar na pupuntahan ng mga tao.
Hinikayat din ng Kagawaran ang publiko na mag-book lamang sa DOT-accredited hotels at tour services para makaiwas sa scam at masigurong maayos ang serbisyo.
“Mas makakampante ang mga turista kung alam nilang lehitimo at may kalidad ang pinili nilang lugar,” ani Frasco.
Samantala, kabilang naman ang lalawigan ng Pampanga sa mga itinuturing na top destinations ngayong Holy Week, kahanay ang mga probinsya ng Cebu, Bohol, Boracay, Palawan, at Siargao.
Patok ang Pampanga para sa mga naghahanap ng religious at cultural experiences dahil sa mga pamosong simbahan sa probinsya at ang tradisyon dito na senakulo. #
The post Pampanga, kabilang sa top destinations ngayong Holy Week first appeared on CLTV36.