
Mahigit 50 participants ang nakiisa sa isinagawang “Walk for the Friendship Trees” bilang paggunita sa Arbor Day 2025. Ito ay upang ipapanawagan ang patuloy na pangangalaga sa 259 na punong nakahanay sa Fil-Am Friendship Highway sa Angeles City sa Pampanga.
Pinangunahan ng Save the Trees Coalition (STC) ang aktibidad, katuwang ang Culture Shack 2.0, Angeles University Foundation Biological Science Society (AUF BSS) at Greening CAS.

Ayon kay STC President Dina Frias Zulueta, nagpapasalamat siya sa naging desisyon ng Court of Appeals noong April 14, 2025 kung saan pinaboran ng Korte ang hindi pagputol sa mga naturang puno matapos matuklasang walang kaukulang permit ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Public Works and Highways (DPWH) para rito.
Ganunpaman, patuloy pa rin umanong dinidinig ang usapin makaraan itong iakyat sa Korte Suprema dahil sa inihaing Petition for Certiorari ng Office of the Solicitor General na kumatawan sa dalawang nabanggit na ahensya.
Nagtapos ang programa sa isang Community Reflection Circle, kung saan hinimok ng STC ang publiko na maging mapagmatyag, magsumbong ng anumang iligal na pagpuputol ng puno, at suportahan ang mga inisyatibang pangkalikasan sa Angeles City. #
The post Pangangalaga sa 259 friendship trees sa Angeles City, panawagan ng Save the Trees Coalition first appeared on CLTV36.