Dumoble ang presyo ng pataba sa mga agricultural supplier sa City of San Fernando ngayong Martes, April 14, kahit may sapat na suplay, kaya nananatiling mabigat sa bulsa ng mga magsasaka ang gastusin.
Sa panayam ng CLTV36 News, sinabi ng retailer attendant na si Monina Lising na sumabay ang pagtaas ng presyo ng pataba sa pagmahal ng produktong petrolyo. Mula sa dating ₱1,200 kada sako, umaabot na ngayon sa ₱2,600 ang bentahan.
Wala naman umanong problema sa supply chain, ngunit itinuturong dahilan ang krisis sa pandaigdigang merkado kaya patuloy ang pagtaas ng presyo.
Sa ngayon, nananatiling mahina ang demand dahil off-season pa ang pagtatanim ng ilang magsasaka. Gayunman, inaasahang tataas ang pangangailangan matapos ang anihan ngayong summer season.
Kinumpirma naman ng Department of Agriculture Region III na may malaking epekto sa productivity ng food basket ng Central Luzon ang mataas na presyo ng pataba.
Sa pinakahuling hakbang ng pambansang pamahalaan, pinalalakas ng Department of Agriculture ang mga intervention upang maibsan ang epekto nito sa mga magsasaka. Kabilang dito ang pamamahagi ng subsidiya na umaabot sa ₱5,000 kada benepisyaryo para sa farm inputs at fuel assistance, habang isinusulong din ang karagdagang pondo na maaaring umabot sa bilyong piso para sa fertilizer at binhi.
Bukod dito, naghahanap na rin ang pamahalaan ng dagdag na suplay ng pataba mula sa ibang bansa tulad ng Russia at Belarus upang mapababa ang gastos sa produksyon, kasabay ng pagpapatupad ng mas malawak na programang “UPLIFT” at posibleng pagbawas sa buwis sa petrolyo upang maibsan ang domino effect ng mataas na presyo sa agrikultura.
Patuloy ring pinag-aaralan ng ahensya ang pagsulong ng paggamit ng organic fertilizer bilang pangmatagalang solusyon upang mapanatili ang ani at hindi lubos na maapektuhan ang sektor ng agrikultura sa Central Luzon. #
The post Pataba, mala-“ginto” na ang presyo sa Pampanga first appeared on CLTV36.