
Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Korean national na nag-aalok ng serbisyo-medikal nang walang lisensya sa loob ng Clark Freeport Zone sa Pampanga.
Kinilala ang suspek bilang si John Suk alyas “John Seuk” o “Suk Sang Hong”, na inabutan habang nagma-manage ng isang klinika nitong August 14.
Batay sa ulat ng NBI, nakatanggap sila ng impormasyon na nanggagamot umano ang banyaga ng mga pasyente kahit wala itong registration sa Professional Regulation Commission o PRC. Agad namang ikinasa ang operasyon ng NBI-Tarlac District Office upang beripikahin ang sumbong.
Gumamit ang mga imbestigador ng isang undercover patient na nagkunwaring may skin problem. Ayon sa NBI, sinuri ng suspek ang pasyente, nagbigay ng diagnosis, at inutusan pa na bumalik makalipas ang dalawang linggo para sa operasyon sa isang cyst.
Dito na hiningan ng otoridad si Suk ng lisensya o anumang accreditation upang mag-practice ng medisina, ngunit wala siyang naipakita. Dahil dito, agad siyang inaresto ng mga operatiba sa mismong klinika.
Bukod sa iligal na serbisyo, nakuha rin ng mga otoridad ang iba’t ibang antibiotics at medical supplies. Natuklasan din na ilan sa mga ito ay hindi nakarehistro sa Food and Drug Administration (FDA).
Nahaharap si Suk sa mga kasong paglabag sa Medical Act of 1959, na inamyendahan ng Republic Act 4224, at FDA Act of 2009. Nasa kustodiya na siya ng NBI-Tarlac District Office para sa inquest proceedings. #
The post Pekeng doktor, arestado sa Clark, Pampanga first appeared on CLTV36.