Person of interest, tukoy na sa pagpatay sa stand-up comedian

LUNGSOD NG SAN FERNANDO — May person of interest (POI) na ang pulisya sa pagpatay sa stand-up comedian na si Goldenier Dagal na pinagbabaril bago mag-perform sa isang bar sa Angeles City.

Ayon kay Police Regional Office 3 director BGen. Jean Fajardo, binuo na ang special investigation team na nakatutok sa kaso ni Dagal.

Lumabas sa imbestigasyon na inimbitahan si Dagal para mag-perform sa Angeles City at bago sumalang ay nilapitan ito ng gunman at binaril sa mukha na nagresulta sa agad nitong kamatayan.

May tinututukan na aniyang lead ang PNP at may POI na sila para masampahan ng kaso.

Ayon pa kay Fajardo, matagal nang nakatatangap ng banta sa buhay si Dagal na may kinalaman sa kayang trabaho.

May posibilidad aniya na may nasaktan sa kanyang mga pino-post sa social media at lahat ng anggulo sa pagkamatay nito ay tinitignan ng pulisya.

Matatandaan na noong March 15 si Dagal ay pinagbabaril ng tatlong hindi pa nakikilalang mga salarin at nailarawan na ang isa ay nakasuot ng puting sando at ang isa ay nakasuot naman ng pulang sando na may mga cap at face mask na agad na tumakas matapos ang krimen.

Si Dagal ay isinugod sa ospital ngunit binawian din ng buhay.

The post Person of interest, tukoy na sa pagpatay sa stand-up comedian appeared first on Punto! Central Luzon.