Kasakuluyang isinasagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Bureau of Maintenance (BOM) ang consultation meeting para sa pagpapa-revise ng Philippine Highway Maintenance Management Manual.
Ang 3-day activity sa Clark Freeport Zone, Pampanga ay nagsimula ngayong Miyekules, May 14, at magtatapos sa Biyernes, May 16. Pinangunahan ito ni DPWH-BOM Director Gene Ryan Altea kasama ang regional at district maintenance engineers mula Regions 1 to 3.
Layon nitong i-update ang manual na nagsisilbing mahalagang kasangkapan sa paggabay sa daily maintenance operations. Gayundin ang pagsisiguro sa consistent, efficient, at high-quality management ng national road networks sa ilalim ng ahensya.
Ayon kay Altea, marami sa standards ang hindi na naaangkop bunsod na rin ng geotechnical conditions sa Ilocos Region at Central Luzon, maging ng mabilis na urbanisasyon. Kaya’t bilang pakikitungo sa technological advancements at hazards, kinakailangang i-update ang metodolohiya upang masiguro ang mas ligtas at resilient na road networks sa hinaharap.
Dagdag pa ni DPWH Region III Assistant Director Melquiades Sto. Domingo, kailangan ng proactive at adaptive approach sa climate change, gayundin sa pagdami ng volume ng mga sasakyan sa mga national highway.
Samantala, nagbibigay oportunidad din ang aktibidad para sa pagtalakay sa mga solusyon sa road maintenance concerns at policy gaps — kaakibat pa rin ng layuning magtatag ng mas resilient at sustainable na highway maintenance system. #
The post Rebisyon ng Philippine Highway Maintenance Manual, pinaplano ng DPWH-BOM first appeared on CLTV36.