Umabot sa kabuuang 12,840 na residente mula sa mga bayan ng Masantol, Minalin, at Macabebe ang nakatanggap ng tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga nitong Martes, July 29, matapos ang malawakang pagbaha sa bunsod ng sunod-sunod na bagyo at habagat.

Sa pangunguna ng Kapitolyo, nakarating sa mga apektadong barangay ang mga food pack mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), kabilang ang Sapang Kawayan sa Masantol, kung saan 1,126 ang nahatiran ng tulong.
Sa bayan ng Macabebe, isinagawa rin ang pamamahagi ng tulong sa Barangay Consuelo, San Esteban, at Dalayap, na may kabuuang 4,650 beneficiaries.

Sa Minalin naman, halos 6,000 residente mula sa apat na barangay ang nabigyan ng ayuda, ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO). Kabilang dito ang mga barangay ng San Isidro, Lourdes, Sta. Maria, at Sto. Domingo.
Ayon sa Provincial Government, patuloy ang pagtugon ng lalawigan sa mga pangangailangan ng mamamayan, lalo na sa mga kalamidad, upang masigurong walang maiiwan sa panahon ng sakuna. #
The post Relief operations sa Pampanga, patuloy first appeared on CLTV36.