By Ashley Punzalan, CLTV36 News

Naghain ng isang resolusyon si Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairman Senator Risa Hontiveros upang maimbestigahan ang umano’y kaso ng pang-aabuso at mismanagement sa isang care facility sa Mexico, Pampanga kung saan nasa 156 na bata ang ni-rescue noong August 13, 2025.
Sa ilalim ng Senate Resolution No. 77, hinimok ng senadora ang kanyang komite na silipin ang mga insidenteng kinasangkutan ng Amerikanong Pastor na si Jeremy Ferguson na inakusahan ng physical injury, emotional and psychological abuse, at iba pa.
Batay sa reklamo ng dalawang 12-anyos na bata at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), pinapaluhod umano sila nang matagal ni Ferguson, pinapakain ng panis na pagkain, at pinagkakaitan ng oras para makapaglaro.
Nadiskubre din ng DSWD ang ilang paglabag tulad ng violations sa registration at accreditation standards, fire hazards, at mismanagement of funds, dahilan upang maglabas ang ahensya ng 30-day na cease and desist order laban sa pasilidad.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Hontiveros ang kahalagahan ng muling pagsusuri sa mga umiiral na batas gaya ng Republic Act 7610 o ng Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act upang matiyak ang mas matibay na proteksyon para sa mga bata sa ilalim ng pangangalaga ng mga social welfare facility.
Dagdag niya, ang nai-report na kaso ng pang-aabuso ay nagpapakita umano ng kakulangan sa mga mekanismo upang mabantayan ang mga pasilidad.
Samantala, inanunsyo ng Bureau of Immigration (BI) nitong Linggo, August 17, na inihahanda na ang deportation proceedings laban kay Ferguson. #
The post Sen. Hontiveros, naghain ng resolution kaugnay ng umano’y pang-aabuso sa care facility sa Pampanga first appeared on CLTV36.