By Ashley Punzalan, CLTV36 News
Siniyasat ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Pampanga ang serbisyo ng Pilar Waterworks Corporation (PWC) kasunod ng mga ulat na maruming tubig ang lumalabas sa gripo ng mga taga-Pilar Village, City of San Fernando, Pampanga.

Ikinabahala ng isang komite ng SP ang posibleng epekto nito sa kalusugan ng higit 700 na kabahayan at humigit-kumulang 500 estudyante na naninirahan sa naturang subdivision.
Kaugnay nito, binigyan ng 10 araw na palugit ang PWC upang kumuha ng excavation permit para sa pagpapalit ng lumang asbestos pipes sa kanilang water distribution system.

Ayon sa PWC, na 50 years nang supplier ng tubig sa village, kasama ang planong pagpapalit sa asbestos pipes sa kanilang 2016-2020 business plan na isinumite sa National Water Resources Board (NWRB) noong 2021 kasabay ng pagtaas ng singil sa tubig. Gayunpaman, inamin ng kumpanya na hindi kasama ang pagpapalit ng mga tubo sa kanilang 2021-2030 business plan dahil sa 9-year delay dulot ng pandemya at iba pang problemang pinansyal.
Samantala, higit 300 residente ang lumagda sa isang petisyon laban sa PWC, na sinuportahan nina Board Members Cherry Manalo at Claire David-Lim. Nakasaad sa petisyon na nilabag umano ng PWC ang batas dahil sa patuloy nitong paggamit ng asbestos na ipinagbabawal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa ilalim ng Republic Act 6969 o ang Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990.
Ayon sa mga residente, may malalang health risks ang asbestos dahil carcinogenic ang fiber nito at maaaring makontamina ang tubig na ginagamit nila sa pag-inom, pagluluto at panghugas.
“Prolonged exposure increases risks of cancers (e.g., mesothelioma, lung cancer) and other respiratory diseases. The residents of Pilar Village remain at unacceptable risk due to PWC’s inaction,” anila.
Base naman sa napag-usapan sa pulong noong July 31 sa City Hall ng San Fernando, bilang tugon sa hinaing ng mga residente, nagsumite na ang PWC ng application para sa excavation and ground preparation permit noong July 9 para sa Construction Safety and Health Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay ng planong pagsasaayos sa buong water system ng Pilar Village.
Sa isang liham ni Engr. Warlito Tajanlangit, Presidente ng PWC, noong July 30, sinabi niya na sumusunod na umano ang kanilang kumpanya sa mga regulatory requirement ng DOLE para makakuha ng excavation permit mula sa opisina ng city engineer.
Bunsod nito, inaasahan umanong matatapos ang paghuhukay at paglalagay ng mga bagong tubo para sa bagong water distribution network sa loob ng limang taon o hanggang sa taong 2030 lalo na’t October 2024 pa lamang ay nagsimula na umanong mamili ng materyales para dito, ayon kay Benito Dacusay, operations manager ng PWC.
Gayunpaman, iginiit ni Ramon Guevarra, immediate past president ng Pilar Village Homeowners Association, na hindi umano naipaalam ng PWC ang planong ito sa mga opisyales at residente ng subdivision.
Samantala, hiniling naman ng lead petitioner na si Tonette Orejas sa provincial board na ipagpatuloy ang pag-endorso ng petition sa NWRB bilang tamang ahensyang dapat tumugon sa usapin. #
The post Serbisyo ng Pilar Waterworks Corp. sa CSFP, sinisiyasat ng Sangguniang Panlalawigan dahil sa maruming tubig first appeared on CLTV36.