Katahimikang bumabalot
pagkataong inaarok
di malirip kung nag-iisip
tikom-bibig, walang imik.
Comite de silencio
ibinansag kay Pinuno
butas-silya sa Senado,
sayang lamang kanyang sueldo.
Subali’t datapwa’t bakit
katahimika’y biglang napunit,
sa bulwaga’y pumailanlang
ang pinakahihintay na tinig.
Ika-sampu ng Nobyembre, taong dalawang libo’t dalawampu’t anim:
At si Senador Lito Lapid ay nagsalita na rin.
“Sa haba-haba ng halos maghapon, ng mga tanong ng senator-judge, hindi ninyo nasasagot. ‘Yong mga nakikinig natin na kababayan dito, kapag ‘di kayo nakakasagot, naiinis sila, kami rin,” puna nito sa testigo.
“Ang iniisip namin, baka pumunta ka rito, nagagamit ka lang dahil kayo, ang city accountant ng Davao, na walang alam,” saad pa ng kagalang-galang na Lito.
Usisa pa nito: “Nagagamit ba kayo?”
Tugon ng tinanong: “Hindi po.”
“Eh, kasi ginagamit ‘yong pangalan ninyo, wala naman kayong pakinabang.
“Papayag ka bang ginagamit ‘yong pangalan mo ng ibang firm na accountant na ‘di mo alam, pati ‘yong ginagawa nilang mga audit, pati ‘yong mga kompanya na sinasabi ng mga kasamahan kong senador dito na hindi ninyo alam?” giit ng senador ng Pampanga.
Sagot: “Hindi po ako ginamit, Your Honor.”
“Kasi sa tingin ko pati birthday ninyo nakalimutan n’yo rin eh,” may pang-uuyam na sambit ni Ginoong Lapid.
En punto, ala Leon Guerrero
duda’t alinlangan tumimo sa testigo.
Golpe de gulat, sana’ng huling hirit
binaligtad sa komedya ni Lapid:
“Ako kasi, dalawa birthday ko eh.”
Ano’ng rason, ano’ng koneksyon, ano’ng logic?
Bakit pa niya ito nasambit?
Bakit ‘di na lang tumahimik?
Bumalik sa silya nang tikom-bibig,
para muling isiping malalim kung mag-isip.
At di kailanman maitutulad pa
sa pagkalutang ni Robin Padilla
na sa kababawan ay walang kapara.