TESDA, titiyaking manatili ang pangunguna sa ASEAN ng mga graduates 

GUIGUINTO, Bulacan (PIA) — Mas paiigtingin pa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang pagbibigay ng mga skills training upang matiyak na mapanatili na ang mga scholars at graduates nito sa hanay ng mga nangunguna sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Iyan ang binigyang diin ni TESDA Deputy Director General for Operations Vidal Villanueva III nang pangunahan niya ang pagbubukas ng WorldSkills  Philippines Central Luzon 2026 Regional Skills Olympics sa TESDA Regional Training Center sa Guguinto, Bulacan.

Sa pamamagitan aniya nito, mahahanap ang mga iba pang pinaka magagaling na iskolar ng TESDA na maipapantay sa international standard at magpapanatili ng mataas na standing nito sa ASEAN.

Matatandaan na sa nakaraang 14th WorldSkills ASEAN Competition na ginanap sa World Trade Center Metro Manila sa lungsod ng Pasay, makasaysayan ang nahakot na 30 karangalan ng delegasyon ng Pilipinas na kinabibilangan ng 10 gold medals, pitong silver medals, walong bronze medals, at limang Medallions for Excellence.

Pinangunahan ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Deputy Director General Vidal Villanueva III (gitna) ang pagbubukas ng WorldSkills Philippines Central Luzon 2026 Regional Skills Olympics sa TESDA Regional Training Center sa Guiguinto, Bulacan. Dito niya binigyang diin na titiyakin ng ahensiya na manatiling nangunguna sa mga bansa sa Timog Silangang Asya ang mga graduates nito na tunay na pang-world class. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Kaya naman sa WorldSkills Philippines Central Luzon 2026 Regional Skills Olympics, magpapasiklaban ng mga competencies ang nasa 179 trainees, graduates at skilled workers ng mga technology at partner institutions mula sa mga lalawigan ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales.

Kabilang sa mga larangan na magpapagalingan ang mga nagtraining sa construction, manufacturing and engineering technology, information and communications technology, transportation and logistics, creative arts and fashion, at social and personal services.

Ang mga mananalo rito ay ilalaban sa World Skills Philippines na gaganapin sa Clark Freeport Zone ngayong Agosto 2026 kung saan ang mga magwawagi rito ang siyang kakatawan sa Pilipinas sa 2027 ASEAN Skills Competition at WorldSkills Shanghai 2026 sa China. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)