TRAHEDYA SA ANGELES Oras na ng Pananagutan 

MATAPOS ANG pagsusumikap na pagsaklolo, pagliligtas at rescue operations, nakakalungkot ang balitang may mga nasawi at posibleng may ilang pang mga kapus-palad na mga nilalang na naiwan pa sa gumuhong gusali.

Pagkatapos ng mga pagbisita, kuhanan ng mga larawan ng mga kilalang personahe, at pangakong aksyon — oras na para malaman kung may pagkukulang sa mga plano, disenyo, sistema ng konstruksyon, regular na inspeksyon, at pagsunod sa mga alituntunin at pagpapatupad ng batas.

Marapat lang na ituon na din ang pansin sa pagbuo ng independent at credible investigating body upang malaman ang naging sanhi ng trahedya at matukoy ang mga personaheng posibleng may responsibilidad at pananagutan sa pagguho ng nasabing gusali.

Screenshot

SINO-SINO ANG POSIBLENG MAY PANANAGUTAN SA PAGGUHO NG GUSALI?

  1. Ang Project Owner/Developer (May-ari ng Proyekto)

Sila ang kumpanya o indibidwal na nagpopondo at nagmamay-ari ng gusali. Mayroon silang pananagutan dahil sila ang nag-utos at nag-apruba sa takbo ng proyekto. Kung mapapatunayang alam nilang may “shortcuts” o ilegal na dagdag sa istruktura—gaya ng mga lumalabas na ulat na may swimming pool sa 10th floor kahit 9 na palapag lang umano ang aprubado—maaari silang makasuhan ng sibil (bayad-pinsala) at kriminal dahil sa mga nasawi at nasugatan.

  1. Ang Contractor (Nagtayo ng Gusali)

Ang kumpanyang mismong gumawa at nagtayo ng istruktura. Sila ang may tuwirang may hawak sa construction. Kung mapapatunayang nagtipid sila sa semento, nagbawas ng bakal, o hindi sumunod sa aprubadong plano para lang makatipid, makakasuhan ng mabigat na kapabayaan (gross negligence) ang kumpanya at ang mga opisyal nito.

  1. Ang mga Arkitekto at Inhinyero (Ang mga Pumirma sa Plano)

Sila ang mga lisensyadong eksperto (Structural, Civil, Electrical, at Sanitary Engineers) na nagdisenyo ng gusali. Sa batas ng Pilipinas, ang pirma ng engineer at arkitekto ay panunumpa na ligtas ang gusali. Kung mapatunayang mali ang kalkula nila sa bigat o kulang ang kapasidad ng mga poste, maaari silang makulong at matanggalan ng lisensya habambuhay.

  1. Ang Site Engineers at Construction Supervisors

Ang mga engineer at manager na araw-araw na nakatutok at nagbabantay sa mismong construction site. Kahit maganda ang plano, kung hinayaan naman nilang magloko ang mga tauhan, maghalo ng substandard na semento, o hindi sumunod sa safety protocols, sila ang personal na maaaring managot sa kapabayaan.

  1. Ang mga City Building Officials ng LGU

Ang mga engineer at inspector ng Angeles City Hall na nag-aapruba ng mga permit at nagsasagawa ng site inspections. Hindi sila agad guilty sa pag-isyu lang ng permit. Ngunit, kung mapapatunayang nagpikit-mata sila sa mga paglabag, nagpabaya sa kanilang tungkulin na mag-inspeksyon, o kung mapatutunayang may nangyaring iregularidad upang payagan ang diumano’y ilegal na 10th floor, maaari silang matanggal sa trabaho at makasuhan ng korapsyon sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Ombudsman.

  1. Ang Contractor (Sa Ilalim ng alituntunin ng DOLE para sa Kaligtasan ng Manggagawa)

Ang Department of Labor and Employment (DOLE) ang nagpapatupad ng batas sa paggawa, ngunit ang contractor ang may obligasyong sumunod dito. Ayon sa mga paunang ulat, may mga construction worker na natutulog at nakatira sa loob ng delikadong gusali habang ito ay ginagawa. Kung mapatutunayan, ito ay malinaw na paglabag sa Occupational Safety and Health Standards. Malaking multa at parusa ang kakaharapin ng contractor dahil sa hindi pagbibigay ng ligtas na pasilidad sa mga manggagawa.

(Pictures: CTTO)