Ni-raid ng mga otoridad ang isang hinihinalang imbakan ng iligal na krudo sa Barangay Prado Siongco, Lubao, Pampanga, gabi nitong Miyerkules, June 11.
Ayon kay Mayor Esmie Pineda, nakatanggap siya ng impormasyon hinggil sa naturang imbakan sa nasabing barangay na agad niyang ipinaalam sa Philippine National Police (PNP) upang magsagawa ng operasyon.


Pinangunahan ni Police Regional Office III Director PBGen. Jean Fajardo ang operasyon, katuwang si Fire Superintendent Redentor Quiambao Jr. ng Lubao Fire Station.
Sa isinagawang raid, natagpuan ng mga otoridad ang humigit-kumulang sa 50 tote bins na may tig-1,000 liter capacity, pati na rin ang isang cylindrical tank na kayang maglaman ng hanggang 14,000 litro ng krudo.
Ayon kay Mayor Pineda, pinaniniwalaang bahagi ito ng “paihi” modus o iligal na paglipat ng langis. Wala pang tukoy na mga pangunahing suspek sa likod ng operasyon, ngunit ilang katao na hinihinalang mga ‘spotter’ ang inaresto sa lugar.

Dagdag ni Fajardo, ang nasabing krudo ay maaaring ibinebenta sa mas murang halaga sa mga hindi otorisadong pasilidad at posibleng may halong delikadong kemikal.
Matapos ang unang raid, agad ding nagsagawa ng follow-up operation sa Barangay Lauc Pao, kung saan naaktuhan naman ang isang truck na naglalagay ng hinihinalang iligal na krudo. Apat na katao, kabilang ang driver ng truck, ang dinakip.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad upang tukuyin ang lawak ng operasyon at ang mga nasa likod ng iligal na gawain. #
The post Umano’y iligal na imbakan ng krudo, sinalakay sa Lubao, Pampanga first appeared on CLTV36.