Nanawagan ng agarang aksyon si Governor Lilia ‘Nanay’ Pineda para sa dredging o paghuhukay sa Pampanga River, kasunod ng banta ng mas matinding pagbaha sa lalawigan.
Ayon kay Pineda, patuloy ang pagtaas ng panganib ng pagbaha dahil sa pagbabaw ng ilog, partikular sa Pampanga Bay na nagsisilbing outfall ng tubig mula sa mga lalawigan ng Nueva Ecija at Bulacan.
Ipinaliwanag ng gobernadora na lalo pang pinalala ang sitwasyon ng kawalan ng galaw sa ilang flood control projects, na naapektuhan ng kontrobersiya kaugnay ng umano’y korapsyon. Aniya, sa huli, ang mga residente pa rin ng Pampanga ang magdurusa, lalo na ang mga nasa 4th District na madalas tamaan ng pagbaha.
Sa panayam ng CLTV36 News, sinabi ni Pineda na kumikilos na ang Pamahalaang Panlalawigan upang maghanap ng solusyon, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa pribadong sektor para sa paglilinis ng ilog.
May isang construction company na umano ang nag-alok na magsagawa ng dredging operations nang walang gastos sa probinsya. Gayunpaman, may mga rekisitos itong kailangang matugunan, dahilan kung bakit nananawagan ang gobernador ng agarang pag-aksyon upang mapabilis ang compliance.
Giit ni Pineda, mahalagang maisagawa ang dredging habang tag-init pa at hindi pa dumarating ang sunod-sunod na bagyo sa nalalapit na tag-ulan — isang kritikal na panahon para maagapan ang posibleng malawakang pagbaha sa lalawigan. #
The post Urgent na dredging sa Pampanga River, panawagan ni Gov. Pineda first appeared on CLTV36.