By Ashley Punzalan, CLTV36 News
Naaresto na ang suspek sa viral robbery incident na kinasangkutan ng isang senior citizen na biktima, matapos matimbog sa isang buy-bust operation na isinagawa ng Porac Drug Enforcement Unit (DEU) katuwang ang San Fernando City Police nitong Martes, June 17, sa loob ng Don Honorio Ventura State University compound, Brgy. Pio Porac, Pampanga.

Kinilala ang suspek bilang si alyas “Rambo”, 31 years old, residente ng Brgy. San Agustin, City of San Fernando. Nakuha mula sa kanya ang halos 2.3 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱15,640, isang ₱500 marked money, at isang 9mm KG-9 model submachine gun na walang serial number at may four rounds of ammunition.
Natukoy ang suspek matapos makuhanan ng CCTV camera ang pagnanakaw at pananakit niya sa isang senior citizen sa Sitio Pigulut, Brgy. San Agustin, CSFP noong May 24. Kita sa footage ang marahas na panghahablot ng suspek sa bag ng senior, dahilan upang makaladkad ang biktima. Agad naman kumalat ang video sa social media na naging sanhi ng matinding panawagan ng publiko para sa hustisya.

Hinimok naman ni Police Colonel Jay Dimaandal, Provincial Director ng Pampanga Provincial Police Office (PPO), na personal na magsampa ng reklamo ang biktima upang ganap nang makamit ang hustisya.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Porac Municipal Police Station ang suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. #
The post Viral robbery suspect, arestado sa buy-bust operation sa Porac first appeared on CLTV36.