By Ashley Punzalan, CLTV36 News

Mahigit sa isang daang bata ang nasagip ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa isang care facility sa Mexico, Pampanga nitong Miyerkules, August 13, matapos madiskubre ang umano’y serye ng pang-aabuso at kapabayaan sa loob ng pasilidad.
Kinilala ang suspek na si Pastor Jeremy Ferguson, direktor ng New Life Baptist Church of Mexico, Pampanga Incorporated (NLBCMPI) sa Brgy. Pandacaqui. Inaresto siya at nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, agad na naglabas ng cease and desist order ang kagawaran laban sa NLBCMPI matapos makumpirma ang mga paglabag. Kabilang dito ang physical at verbal abuse, presensya ng fire hazards, mismanagement of funds, improper case management, at hindi pagsunod sa registration, license to operate, at accreditation standards ng Kagawaran.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Reception and Study Center for Children (RSCC) sa Lubao, Pampanga ang 156 na batang nasagip, na binubuo ng 78 lalaki at 78 babae.
Personal na binisita ni Gatchalian ang mga bata nitong Huwebes, August 14, upang makita ang kanilang kalagayan at tiyakin na maayos ang pagproseso ng kaukulang dokumento para sa kanilang mga kaso.
Tiniyak din ng kalihim na magsasampa ng kasong kriminal ang DSWD laban kay Ferguson at maghahain ng hold departure order upang matiyak na hindi siya makalalabas ng bansa habang dinidinig ang kaso.
Ayon kay Police Col. Pearl Joy Gollayan, hepe ng Mexico Municipal Police Station, dinala na ang suspek sa Office of the Prosecutor noong Huwebes ng umaga para sa pormal na pagproseso ng kaso. Pansamantala siyang ikinulong sa pasilidad ng pulisya.
Samantala, patuloy pang sinusubukang kunin ng CLTV36 ang panig ng New Life Baptist Church of Mexico, Pampanga Incorporated hinggil sa isyu. #
The post 156 bata, nasagip sa care facility sa Mexico; DSWD, magsasampa ng kaso laban sa pastor na suspek first appeared on CLTV36.